-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding kumpiyansa si Bicol Saro Partylist Representative Terry Ridon na may sapat at matibay na batayan upang dinggin ng Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, lalo na dahil sa mga nadiskubreng ₱6.7 bilyong bank transactions at ang nakunang banta sa buhay ng Pangulo.

Sa isang panayam tinukoy ni Ridon ang mga lumabas na impormasyon sa pagdinig ng House Committee on Justice.

Ayon sa mambabatas, ang malaking halaga ng salapi na pumasok at lumabas sa mga bank account na iniuugnay sa Pangalawang Pangulo at sa asawa nitong si Atty. Mans Carpio sa loob ng ilang taon ay isang napakalakas na batayan.

Bukod sa kaduda-dudang galaw ng salapi, binigyang-diin ng mambabatas na ang mga naunang pagdinig hinggil sa isyu ng confidential funds ay nagpakita na ng malinaw na probable cause laban kay Duterte.

Samantala, sa nakatakdang pagdinig sa Abril 29, inaasahang dedesisyunan ng komite kung bubuksan ang mga dokumento ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na may kaugnayan sa kaso.

Inimbitahan din si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin A. Matibag upang magbahagi ng karagdagang impormasyon patungkol sa umano’y assassination plot ng Pangalawang Pangulo laban kina Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Para kay Ridon, kahit walang dagdag na ebidensya, sapat na ang mismong pahayag ng Bise Presidente.

Upang pormal na maiakyat at umusad ang kaso sa Senado, kinakailangan na lamang makuha ang majority vote na 21 mula sa 39 na miyembro ng House Committee on Justice.