-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na pagmamay-ari ng isang pulis ang isa sa mga baril na ginamit ng dalawang menor de edad sa pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Tacloban City noong Lunes, Hunyo 22, 2026.

Sa isang press briefing, sinabi ni PNP Public Information Office (PNP-PIO) chief Col. Allen Rae Co na ang 9mm Glock na ginamit sa insidente ay nakarehistro at naitalaga sa isang babaeng pulis na nakatalaga sa Police Regional Office 8 (PRO-8).

“Upon verification, the 9mm Glock belongs or was issued to a policewoman assigned in PRO 8. The subject policewoman is now under investigation and placed under custody of regional police office,” ani Co.

Ayon pa sa PNP, ang nasabing pulis ay kasalukuyang iniimbestigahan at nasa kustodiya ng regional police habang tinutukoy ang posibleng pananagutan nito, kabilang ang kapabayaan sa pag-iingat ng service firearm.

Lumalabas din sa imbestigasyon na ang 14-anyos na suspek ay pamangkin ng naturang pulis. Sinubukan pa umano nitong magtago matapos ang krimen ngunit kalaunan ay naaresto rin ng mga awtoridad.

Samantala, natuklasan din ng mga imbestigador na ang isa pang baril na ginamit ng 15-anyos na suspek ay nakarehistro sa isang security agency sa Cebu. Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa naturang ahensya upang matukoy ang posibleng security guard na may-ari ng armas.

Aabot sa 40 basyo ng bala ang narekober sa iba’t ibang bahagi ng pinangyarihan ng insidente.

Matatandaang tatlong katao ang nasawi habang pito naman ang nasugatan sa naturang pamamaril sa loob ng paaralan.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, at isa sa mga pangunahing anggulong tinitingnan ay bullying umano na posibleng nagtulak sa mga suspek para gawin ang krimen.