Published June 22, 2026 01:29pm
Updated June 22, 2026 10:45pm
Hindi bababa sa tatlong katao ang nasawi habang labing-isa naman ang sugatan matapos ang isang serye ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City, alas-9:00 ng umaga nitong Lunes, Hunyo 22.
Agad na rumesponde ang mga pulis upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan.
Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga suspek ang naaresto sa mismong lugar ng insidente.
Samantala, nagpapatuloy ang manhunt operation para sa isa pang suspek na nakatakas.
Dinala naman sa mga pagamutan ang mga sugatan upang mabigyan ng agarang lunas.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at nasugatan.
Patuloy ang imbestigasyon upang malaman ang buong pangyayari at motibo sa likod ng insidente.
Nanawagan naman ang Tacloban City Police Office sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon.
Kinondena rin ng Police Regional Office-8 ang nangyaring pamamaril at tiniyak na ginagawa nila ang lahat ng hakbang upang agad na mahuli ang natitirang suspek.
Bilang pag-iingat, nagdagdag na rin ng mga pulis sa lugar upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng komunidad.
Samantala, suspendido ang klase sa San Jose National High School, San Jose Central School, at Manlurip Elementary School kasunod ng pamamaril.











