-- Advertisements --

Nagkaroon ng pagbabago sa bilang ng mga nasawi sa magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Sa inilabas na situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes, Hunyo 19, ibinaba ang bilang sa 76 mula sa 78 fatalities na naunang iniulat.

Ito ay kasunod ng nagpapatuloy na validation sa casualty data.

Samantala, tumaas naman sa 32 ang bilang ng mga nawawala pa ring indibidwal mahigit isang linggo na mula nang tumama ang malakas na pagyanig.

Nananatiling apektado rin ang mahigit 1.45 million indibidwal sa Mindanao. Sa ngayon, mayroong mahigit 84,000 indibidwal ang nananatiling displace habang mahigit 21,000 katao naman ang patuloy na nanunuluyan sa 46 na evacuation centers at mahigit 63,000 ang pansamantalang nananatili sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.

Sa iniwang pinsala ng lindol, umabot na sa tinatayang mahigut P1.35 billion ang halaga ng danyos sa sektor ng imprastruktura.

Kaugnay nito, walang patid ang isinasagawang relief operations ng pamahalaan sa mga apektado ng lindol habang nasa walong bansa na ang nag-alok ng international humanitarian assistance para suportahan ang recovery efforts ng mga nasalanta ng lindol.