Nakiramay si Vice President Sara Duterte sa mga naiwang pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Sa kanyang Facebook post, ibinahagi ng Pangalawang Pangulo ang personal niyang pagbisita sa burol ng mga biktimang kinilalang sina Joyancee, Lorenz, at Ayessa, at ipinahayag ang pakikiisa sa kanilang pamilya na labis ang pagdadalamhati.
“Personal nating ipinaabot ang ating taos-pusong pakikiramay, pati na ng aking buong pamilya, at ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa kanilang mga pamilya at kamag-anak na labis ang hinagpis sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay,” post ni VP Sara.
Ayon pa sa Bise Presidente, nananawagan ang mga magulang ng mga biktima ng hustisya at umaasa na hindi na maulit ang ganitong trahedya sa mga paaralan.
Samantala, patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente kung saan dalawang menor de edad ang itinuturong suspek.
Isa sa kanila, ang 15-anyos, na kinasuhan na ng patong-patong na reklamo kaugnay ng pamamaril na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng mahigit 15 iba pa.
















