Inanunsyo ng New Orleans Pelicans na hindi makakasama sa huling preseason game ng koponan si rookie Zion Williamson dahil sa pananakit ng kanyang kanang tuhod.

Bumiyahe ang Pelicans sa New York upang harapin ang Knicks sa Sabado (Manila time), ngunit hindi nakasama rito si Williamson.

Sa pahayag ng team, mananatili sa New Orleans si Williamson upang sumailalim sa pagsusuri.

Wala namang ibinigay na timetable ang koponan kung kailan makakabalik sa paglalaro si Williamson.

Nasilayan si Williamson sa lahat ng apat na preseason games ng Pelicans kung saan naglista ito ng average na 23.3 points at 6.5 rebounds sa pagsalang nito sa 27.3 minuto.

Noong summer league, walong minuto lamang ang binabad ni Williamson sa Pelicans makaraang dumanas ng minor left knee bruise.

Hindi na ito pinaglaro matapos ang first game para na rin sa kanyang kaligtasan.