-- Advertisements --
image 100

Inakusahan ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang Russian forces sa pag-atake sa mga rescuer ng Ukraine na sinusubukang marating ang mga lugar na lubog sa baha sa rehiyon ng Kherson na nasa ilalim ng kontrol ng Russia.

Aniya, kapag sinusubukan umano ng Ukrainian rescuers na ilikas ang mga residente, inaatake sila ng mga Russian forces mula sa malayo.

Sa kabila nito, patuloy naman ang pagpapalikas ng rescuers sa libu-libong mga residente sa flood zone area lalo na sa okupado ng Russia na Nova Kakhova dam at hydro-electric power plant na nasira nitong araw ng Martes na nagresulta ng malawakang pagbaha sa 30 komunidad sa may Dnipro River.

Inihayag din ni Zelensky na ilang mga indibdiwal at hayop ang namatay kung saan pahirapan aniya na mailikas ang iba pang nastranded na mga indibdiwal lalo na sa okupadong lugar ng Russia sa parte ng Kherson region.

Ayon naman sa gobernador ng kherson region aabot sa 600 square kilometers ng southern kherson region ng Ukraine ang lubog sa baha kasunod ng pagkasira ng Kakhova dam. Ito ay katumbas ng 10 beses ng size ng isla ng Manhattan.

Nagbabala naman ang aid agencies sa mga residente sa Kherson region sa panganib dulot ng natanggal na landmines dahil sa baha.

Kapwa nagsisihan naman ang Russia at Ukraine sa pagkasira ng dam kung saan hanggang sa ngayon hindi pa malinaw kung napinsala ang dam dahil sa mga pag-atake o resulta ng structural failure.