-- Advertisements --

Hindi na bibigyan ng pagkakataon si dating Congressman Elizaldy Co na dumalo via online sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang flood control projects.

Ito ang kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson kasunod ng naging pahayag ni Senadora Imee Marcos na tatayo umanong VIP witness si Co sa pagdinig ng komite.

Ayon kay Lacson, maaari lamang mabigyan si Co ng plataporma para magsalita ng “propaganda” o ng mga bagay na walang basehan, na walang pananagutan o panganib na maharap sa contempt citation.

Dagdag niya, ipinaalam ng kampo ni Co sa Blue Ribbon Committee na ang dating mambabatas ay kasalukuyang ginagamot sa Estados Unidos, kaya’t hindi makadadalo sa pagdinig sa Biyernes.

Sa isang panayam, iginiit ni Marcos na nakumbinsi na umanong dumalo sa pamamagitan ng video conferencing si Co, na nasasangkot sa umano’y korapsyon sa flood control scandal.

Pagbubunyag pa ni Marcos, may script na raw ang mga inimbitahang kongresista para linisin ang pangalan ng kanyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez.

Bukod dito, haharap din daw muli si Congressman Toby Tiangco, kung saan may karagdagan umano itong ibubunyag.

Samantala, hindi naniniwala si Senadora Imee Marcos na “wala nang Merry Christmas” para sa mga sangkot sa kontrobersyal na flood control projects.

Ayon kay Marcos, mananatiling masaya pa rin ang Pasko ng ilan sa mga sangkot matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi pa makakasuhan ang kanilang pinsan na si Romualdez.

Giit pa ng senadora, tanging mga nasa mababang posisyon lamang sa pamahalaan ang posibleng mawalan ng masayang Pasko dahil sa naturang isyu.

Naniniwala pa si Marcos na tila inililihis ang isyu at kung saan-saan na napadpad ang usapin.