-- Advertisements --

Patuloy na bumababa ang antas ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng malalakas na pag-ulan na dulot ng bagyong Inday at pinalakas na habagat nitong mga nakalipas na araw.

Ang Angat Dam ang pangunahing pinagkukunan ng inuming tubig para sa Metro Manila at nagsusuplay rin ng patubig sa humigit-kumulang 25,000 ektarya ng mga palayan sa Bulacan at Pampanga.

Noong Hulyo 7, bumaba na sa kritikal na antas ang water level ng dam. Nananatili rin itong mas mababa kaysa sa dating pinakamababang naitala noong Hulyo 18, 2010.

Dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig, binawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila. Pansamantala ring itinigil ng mga operator ng dam ang suplay ng patubig sa mga sakahan sa Gitnang Luzon upang mapanatili ang natitirang tubig sa reservoir.

Samantala, umabot na rin sa minimum operating level ang water level ng Magat Dam sa Ramon, Isabela, ayon sa National Irrigation Administration (NIA).

Maaaring maapektuhan daw ang kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka, gayundin ang operasyon ng mga hydropower plant na umaasa sa suplay ng tubig mula sa Magat Dam kung magpapatuloy ang pagbaba ng dam.

Ang Magat Dam ay nagbibigay ng humigit-kumulang 350 megawatts ng kuryente sa Luzon Grid at nagsisilbi ring pangunahing pinagkukunan ng patubig para sa mahigit 96,000 ektarya ng mga palayan sa Isabela, Cagayan, at Quirino.