-- Advertisements --

1ld

Napagkasunduan na magiging bahagi na ang PNP Maritime Group sa pagsasagawa ng sovereignty patrol sa West Philippine Sea, bilang dagdag sa mga mga naka deploy na barko ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at BFAR.
Mismo ang National Task Force- West Philippine Sea (NTF-WPS) ang nagdesisyon na isama ang PNP Maritime Group.

Aminado si AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana, na hindi sapat ang mga barko ng Philippine Navy na nagpapatrulya ngayon sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa kayat kailangan ng AFP ang tulong ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Sobejana, hindi pa madeploy ang dalawang bagong Frigate ng Philippine Navy ang BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna dahil may tinatapos pa na procedure ang mga ito bago sila isabak sa operasyon.

Umaasa si Sobejana na maresolba ang isyu sa West Phl Sea sa diplomatikong pamamaraan at hindi humantong sa anupaman.

Pero siniguro ni chief o staff na hindi sila uurong sa kanilang mandato, ito ay protektahan ang teritoryo ng bansa.

“‘Yung massing of Chinese fishing vessel at ng Chinese maritime militia, ay ‘yun ang subject ng ating binabantayan. At tinitiyak natin na hindi man sila mapaatras physically, at this point of time because also of our limitation, tinitiyak natin na ang ating mga kapatid, kababayan na nangingisda diyan para sa kanilang pangkabuhayan ay tuloy-tuloy sa kanilang pagsasagawang pangingisda,” wika ni Gen. Sobejana.

Kinumpirma din ni Chief of Staff na nagpulong sila ng Chinese attache to the Phils kaugnay sa Chinese intrusion sa West Phl Sea.

Iginiit ni Sobejana sa Chinese official na may legal na pinanghahawakan ang Pilipinas na pag-aari nitoo ang Julian Felipe Reef, pero iginiit din umano ng Chinese attache na kanila ang Julian Felipe Reef.

Sa kabila ng paninindigan ng China, maninindigan din ang Pilipinas na ang Julian Felipe Reef ay kabilang sa teritoryo ng bansa.

Inihayag din ni chief of staff, panahon na para magtayo ang Pilipinas ng mga structures sa mga reefs na sakop ng EEZ ng bansa.