Nilinaw ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) spokesman at ngayo’y Catholic Media Network president Fr. Francis Lucas na hindi pa rin suportado o isinusulong ni Pope Francis ang same-sex marriage o pagpapakasal ng mga kapwa lalake o kapwa babae.
Sinabi rin ni Fr. Lucas na ang tinuran ni Pope Francis sa isang panayam kaugnay sa pagpayag sa same-sex civil union ay hindi official stand o doktrina ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Fr. Lucas, ang ibig sabihin ni Pope Francis sa salitang Espanyol na coexistencia civil ay civil co-existence at hindi marriage o pagpapakasal.
Inihayag din ng beteranong pari na ang marriage o pagpapakasal ay ekslubsibo lamang sa babae at lalake.
Paliwanag pa ni Fr. Lucas na hindi rin ito ex cathedra o proklamasyon mula sa Santo Papa o ng Vatican dahil opinyon lang ito ni Pope Francis sa isang panayam.
Kahalintulad lang daw ito ng pahayag ng isang obispo sa Pilipinas na hindi posisyon ng CBCP hangga’t hindi ito dumadaan sa plenary assembly at pirmado ng lahat ng mga obispo.