Tiniyak ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na walang mangyayaring dayaan sa pamamagitan ng paggamit ng hindi otorisadong mga balota at vote counting machine (VCM).
Ayon kay Comelec Information Technology Department Director Jeannie V. Flororita, kasabay ng kanilang isinasagawang demonstration sa gagamiting sistema sa nalalapit na halalan sa buwan ng Mayo.
Paliwanag ni Flororita, mayroon lamang iisang VCM na gagamitin kada presinto at mayroon ding balota na akma lamang dito.Kaya naman kapag pinasukan ito ng mga hindi otorisadong balota ay hindi talaga ito mababasa ng VCM.
Isa raw ito sa mga features ng VCM para maiwasan ang dayaan sa nalalapit na halalan.
Ang mga balota ring gagamitin ay mayroong ration na 1:1 o isang balota para sa isang botante.
Sa isinagawang testing, sinubukan ni Comelec Commisioner George Garcia ang pagpasok ng balota sa isang vote counting machine (VCM) ng ibang presinto pero hindi ito tinggap ng VCM.
Paliwanag ng Comelec, configurated ang balota sa VCM ng bawat presinto, kaya naman hindi magagamit ang balota ng isang presinto sa VCM ng ibang lugar.
Bahagi ito ng end-to-end demo ng Comelec para ipakita ang proseso sa automated election system (AES).