Hindi ‘bloodbath’ tulad ng pagsasalarawan ni Vice President Sara Duterte ang magaganap na impeachment trial sa Senado, dahil para ito sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan.
Ito ang tugon ni House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor, isang miyembro ng House prosecution panel sa naging pahayag ng Bise Presidente na nais nitong maging madugo ang impeachment trial.
Sinabi ni Defensor na parehong dapat maging handa ang prosecution at defense panels sa paglalahad ng kanilang kaso sa Senado, na magsisilbing impeachment court sa pagbubukas ng Ika-20 Kongreso.
Ayon kay Defensor, magiging mas madali para sa taumbayan na tanggapin ang anumang kalalabasan ng paglilitis—maging guilty man o hindi ang hatol kay Duterte.
Matatandaan na noong Pebrero, bago mag-adjourn ang sesyon, pinagtibay ng Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment laban kay Duterte matapos itong pagtibayin ng nakararaming miyembro.
Inakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at bilang kalihim ng Department of Education na hindi nito sinagot sa mga pagdinig ng Kamara.
Binigyang-diin ni Defensor na ang impeachment ng isang mataas na opisyal ay hindi isang judicial proceeding, kundi isang political process na pinamamahalaan ng Konstitusyon at nasa kapangyarihan ng lehislatura.