-- Advertisements --

Umaapela si Iloilo Rep. Lorenz Defensor sa National Government at Department of Health o DOH na pag-aralan at kalaunan ay payagan ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang may edad 3 hanggang 5 taong gulang.

Sa isinusulong na House Resolution 263, ipinaliwanag ni Defensor na ang naturang age group ay kabilang sa “most vulnerable” age group sa gitna ng tumataas na mga bagong COVID-19 cases.

Sinabi ng mambabatas, naririyan ang banta ng mga bagong sub-variants ng COVID-19 sa ating bansa.

Noong Pebrero, inilunsad ng DOH ang “Resbakuna Kids Campaign” o COVID-19 vaccination para sa mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang. Gayunman, hindi pa “eligible” o hindi kasama rito ang mga batang mababa sa edad 5 taong gulang.

Ayon kay Defensor, noong June 2022 ang Food and Drug Administration o FDA ng Amerika ay nag-isyu ng “emergency use authorization” sa bakuna ng Moderna at Pfizer-BioNTech para sa mga indibidwal na edad 6 na buwan hanggang 17 taong gulang; at 6 na buwan hanggang 4 na taong gulang.

At batay aniya sa US-FDA, ang mga naturang bakuna ay nakitang epektibo sa pediatric population mula sa potensyal na banta o pagkakasakit ng COVID-19.

Bagama’t hindi mataas ang bilang ng mga nagkaka-COVID sa edad 3 hanggang mababa sa 5 taong gulang kumpara sa adult population sa ating bansa, iginiit ni Defensor na hindi dapat isantabi ang peligro sa kalusugan ng mga bata lalo na kung magiging maluwag na sa pagsunod sa health protocols sa buong bansa.

Samantala, pinuri naman ni Defensor ang patuloy na pagsusumikap ng DOH sa Resbakuna Kids Program nito, sa kabila ng mga hamon ng pandemya at pagbabalik ng face-to-face classes.