Reading Time: 1 minute
Wakeboarding
Wake Boarding /FB image

CAUAYAN CITY- Naging matagumpay ang kauna-unahang wakeboarding competition na isinagawa kasabay ng ‘Panagdadapon Festival’ sa Quirino Province.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elmor Villaruel, chairman ng wakeboarding competition committee sinabi niya na ang may pinakamaraming nakuhang medalya sa isinagawa nilang invitational wakeboarding competition ay ang Republic Wakepark ng Laguna na may pitong medalya.

Pangalawa ang Quirino water sports complex na may limang medalya, sumunod ang Pladera at Beka wakepark ng Clark na mula sa Pampanga na may tig-dalawang medalya at ang Lago de oro wake park ng Batangas at ang CamSur motor sports complex na may tig-isang medalya.

Nagtungo rin sa nasabing competition ang pangalawang pinakamagaling sa wakeboarding sa buong mundo na si Raffy Trinidad na tubong Cebu City.

Masayang masaya aniya ang mga delegado at nagsabing babalik sila sa lalawigan.

Ang pinakabata aniyang sumali rito ay labing apat na taong gulang na mula sa Beka wakepark ng Clark, Pampanga habang ang pinakamatanda naman ay 40-anyos.

Ayon pa kay Villaruel, sa susunod na taon ay magkakaron ng wakeboarding camp ang lalawigan ng Quirino para lalo pang mahasa ang kakayahan ng mga mahilig sa nasabing sports.