-- Advertisements --

Inihayag ni Vice President Sara Duterte na tanggap niya ang mga kamakailang desisyon International Criminal Court (ICC) na may hursdiksiyon ito at sa confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag sa isang panayam sa The Hague, Netherlands matapos bisitahin ang kaniyang ama. Kasalukuyan ngang nasa The Hague ang Pangalawang Pangulo matapos paayagan ng Malacañang ang pagbiyahe niya sa ibang bansa mula noong Mayo 2 hanggang 15.

Ayon kay VP Sara, kasunod ng kamakailang desisyon ng international tribunal, sa palagay niya ay kailangan na ng defense team ng dating Pangulo na mag-move on at maghanda para sa trial.

Hindi rin aniya nila nakikitang bibitawan ng ICC ang kaso ng kaniyang ama.

Pareho rin ang naging tugon ng Bise Presidente kaugnay ng confirmation of charges ng dating Pangulo at ang pinakamainam aniyang paraan para umusad ay paghandaan ang paglilitis.

Samantala, pinasalamatan din ni VP Sara ang mga supporter at patuloy na umaasang makakauwi na sa Pilipinas ang kanilang ama.

Sa kaniyang pagbisita naman sa kaniyang ama, ibinahagi ni VP Sara na mukhang maayos at walang problema ang dating Pangulo. Sinabihan din niya ang dating Pangulo na sumailalim sa physiotherapy subalit tumanggi umano ito.

Sa kamakailang development din, inatasan ng Trial Chamber III ang prosekusyon, depensa at panig ng mga biktima na magsumite ng kanilang obserbasyon sa patuloy na pagkakadetine ni Duterte hanggang sa araw ng Biyernes, Mayo 8.

Habang nakatakdang isagawa ng Trial Chamber III ang status conference sa crimes against humanity laban kay Duterte sa Mayo 27.