Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng dalawang miyembro ng Ateneo Blue Eagles men’s basketball team na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili, at sinabing tila kulang ang naging tugon ng Ateneo de Manila University sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga biktima.
Ang pahayag ng Bise Presidente ay kasunod ng anunsyo ng Ateneo na magsasagawa ang Board of Trustees ng isang fact-finding investigation upang masusing alamin ang mga pangyayari na nauwi sa pagkasawi nina Baterbonia at Adili sa isang team-building activity sa Aurora noong Hunyo 8.
Sa panayam ng media sa Davao City nitong Biyernes, Hunyo 12, sinabi ni Duterte na nakalulungkot ang sinapit ng dalawang student-athletes, lalo na’t may malaking kinabukasan umano ang mga ito sa larangan ng sports.
“Nakakalungkot na ganoon ‘yong nangyari sa isang estudyante at sa isang promising na athlete natin sa bansa,” ani Duterte.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, mahalagang mabigyan agad ng sapat na impormasyon at suporta ang mga pamilya sa panahon ng ganitong trahedya.
“Pakiramdam ko, kulang na kulang ‘yong response ng Ateneo hindi lang kay Rene, doon din sa isang foreigner na player din ng Ateneo na namatay,” aniya.
Dagdag pa niya, dapat umanong maging prayoridad ng paaralan ang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya upang maipaliwanag ang mga nangyari at matulungan silang maunawaan ang mga susunod na hakbang kaugnay ng insidente.
“Dapat kasi, sa ganiyang mga panahon, ay nauuna ‘yong pag-reach out nila sa pamilya at pagpapaintindi nila sa pamilya kung ano ‘yong nangyari at ano ‘yong mga kailangan nilang gawin,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Duterte na sa kanyang pananaw, may kakulangan sa suportang naibigay sa mga pamilya ng dalawang nasawing atleta.
“Pakiramdam ko ay malaki ang pagkukulang ng paaralan sa pagbibigay suporta sa pamilya,” aniya.
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Ateneo at ng mga kinauukulang awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidenteng ikinasawi nina Baterbonia at Adili.
Sa kasalukuyan, naibalik na sa Davao City ang mga labi ni Baterbonia, habang nananatili naman sa Arlington Memorial Chapels and Crematory sa Quezon City ang mga labi ni Adili.
















