Tahasang kinalampag ni Vice President Leni Robredo ang gobyerno kaugnay sa ginagawa nitong pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sa kanyang press briefing ngayong hapon, sinabi ni VP Robredo na dapat linisin at bilisan ng Department of Health (DOH) ang kanilang inilalabas na mga data.
Ayon kay Robredo, kailangang isama ang mga pamantasan at mga academic institutions sa validation ng mga COVID-19 cases.
Marami daw ang gustong tumulong at kailangan lamang ilista ang kanilang kakayahan at paano makatutulong gaya sa surveillance sa mga psoibleng carrier ng virus.
Hinimok din ng bise presidente ang gobyerno na dapat alamin kung saan nagkakaroon ng backlog para agad itong maisaayos.
Kasabay nito, iginiit din ni VP Robredo na dapat tratuhin ng maayos ang mga locally stranded individuals (LSIs) at huwag silang hayaang matutulog sa mga semento at lugar kung saan nagsisiksikan na naglalagay sa kanila sa peligro.
Dapat din daw bigyan sila ng libreng swab test bago sila pauwiin sa kanilang mga lalawigan at matiyak na hindi sila magdadala ng sakit sa kanilang destinasyon.
Inihirit pa ni Robredo na dapat pag-isahin ang kumpas ng pribado at pampublikong sektor sa pagtugon ng pandemya.
Naniniwala si Robredo na ang COVID-19 pandemic ang ugat ng mga problema sa ngayon ng bansa at kapag ito’y naresolba, matutugunan na rin ang iba pang hamon.