-- Advertisements --

Idineklara ni Vice-President Sara Duterte-Carpio na mahigit P216 million ang kaniyang kabuuang nagastos sa kampaniya sa nakalipas na halalan.

Sa isinumiteng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec), nasa kabuuang P216,190,935.06 ang umano’y total expenditures ni VP-elect Sara.

Sa naturang halaga nasa P79,581,690.15 ay mula sa in-kind contributions na natanggap mula sa ibang sources habang P136,609,244.91 naman ay in-kind contributions mula sa kaniyang political party.

Base din sa isinumiteng SOCE, nakasaad na hindi nakatanggap si Sara ng cash contributions mula sa ibang sources o sa kaniyang political party.

Nauna ng nakapaghain ng SOCE ang running mate ni Duterte-Carpio na si President-elect Ferdinand Marcos Jr. kung saan nasa kabuuang mahigit P623 million umano ang nagastos nito sa kaniyang kampaniya.