-- Advertisements --

Nangako noong Martes (local time) ang Presidente ng European Commission na si Ursula von der Leyen na hindi uurungan ang banta ni U.S. President Donald Trump kaugnay ng planong pag-angkin sa Greenland. Habang nagbabala rin ito na maaaring lumala ang ugnayan ng Estados Unidos at European Union dahil sa isyu.

Sa kanyang statement sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland, sinabi ni von der Leyen na ang tumitinding tensyon sa usapin ng teritoryo ng Greenland na isang autonomous territory ng Denmark ay maaaring magdulot ng “downward spiral” sa matagal nang alyansa ng U.S. at E.U.

Sa kabilang banda handa umanong makipag-pulong si Trump sa Davos upang talakayin ang kinabukasan ng Greenland na matagal na aniyang nais mapasailalim sa kontrol ng Amerika. Dahil dito, nabahala ang mga lider ng Europa.

Nagbanta rin si Trump na magpapataw ng karagdagang taripa sa walong bansa sa Europe kaugnay ng hindi pagkakaunawaan sa Greenland, dahilan upang ikonsidera ng EU ang mga posibleng hakbang ng pagganti.

Tila nang-asar pa si Trump kasunod ng kanyang post sa Truth Social platform, kung saan nag-post siya ng isang binagong larawan na nagpapakita sa kanya na nagtatanim ng bandila ng US sa isang mabatong at nagyeyelong lugar, na may karatulang nakasulat na “GREENLAND – US TERRITORY EST. 2026.”

Kalaunan, sinabi ni Trump na nagkaroon siya ng napakagandang pag-uusap sa telepono kay NATO Secretary-General Mark Rutte hinggil sa mineral-rich ng Greenland.

Kinumpirma rin niya ang planong pagpupulong ng mga kinauukulang panig sa Davos.

Ayon pa sa US president, hindi umano siya naniniwalang lalaban nang husto ang mga lider ng Europa sa kanyang panukala, at sinabing, “They can’t protect it.”

Samantala nakatakdang magsagawa ng emergency summit ang mga lider ng European Union sa Brussels sa Huwebes upang talakayin ang isyu ng Greenland.