-- Advertisements --

Naglabas ng mensahe ang aktres at kasalukuyang Gobernador ng Batangas na si Vilma Santos-Recto upang linawin na maayos ang kanyang kalagayan sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng kanilang pamilya.

Sa isang video na ipinost nito kanyang opisyal na Facebook page, pinasalamatan ni Santos ang kanyang mga “Vilmates” sa patuloy na suporta at panalangin para sa kanya at sa kanyang asawa na si Executive Secretary Ralph Recto.

“Hello there, my Vilmates!… gusto ko lamang magpasalamat sa inyo sa inyong pagdarasal,” ani Santos.

Ayon sa beteranang aktres-pulitiko, may kinakaharap silang problema sa kasalukuyan, ngunit nilinaw niyang hindi dapat mabahala ang publiko dahil patuloy nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa mga Batangueño.

“But you don’t have to worry, as long as I know deep in my heart–– we know deep in our heart kasama si ES–– that we are serving our people from the heart, nothing to worry,” dagdag niya.

Hindi na rin umano bago sa kanila ang mga isyung pulitikal, ngunit nagpapasalamat sila sa patuloy na suporta at panalangin ng publiko.

Binanggit din ng Gobernador na mahalaga ang pananampalataya at pagkakaisa sa gitna ng negativity, at hinikayat ang kanyang mga tagasuporta na manatiling positibo.

“Let’s not be part of the problem, let’s all be part of the solution,” aniya, na nananawagan ng pagkakaisa at inspirasyon para sa bansa.