-- Advertisements --

Pinapaaresto ng korte sa Taguig ang actor na si Vhong Navarro dahil sa kasong rape.

Nitong Lunes ng gabi ay inilabas ng Taguig City Regional Trial Court Branch 69 ang warrant of arrest ng actor sa kasong rape.

Ang nasabing warrant of arrest ay pirmado ni Judge Loralie C. Datahan kung saan iniutos nito ang pag-aresto sa actor sa kasong “rape” at walang inilaan na anumang piyansa sa ilalim ng Article 266-A.

May kaugnayan ang kaso na inihain ni Deniece Cornejo noong 2014.

Magugunitang humarap nitong Lunes din ng umaga sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kaso nitong acts of lasciviousness na inilabas ni Judge Angela Din ng Metropolitan Trial Court Branch 116 ng Taguig City.

Dito ay nagpiyansa ang actor ng nasa P36.000 para sa pansamantalang kalayaan nito.

Noong Hulyo 31 kasi ay ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) sa Prosecutors Office ng Taguig na kasuhan ng rape at acts of lasciviousness ang actor.