Matapos ang 16-buwang pahinga at problema sa kalusugan, handa na muling tumapak sa court si Venus Williams, 45, sa kanyang pagbabalik sa Citi Open ngayong Hulyo 22.
Tatanggap siya ng wild card entry sa WTA 500 tournament at makakalaban ang kapwa Amerikanang si Peyton Stearns sa kanyang unang laban.
Ito ang unang WTA appearance ni Williams mula sa 2024 Miami Open, matapos siyang sumailalim sa operasyon para sa fibroids. Bagamat hindi na siya regular sa tour, masigasig siyang nag-ensayo sa hard courts —ang paborito niyang surface.
“I don’t want to put too much pressure on myself. Success, for me, is about believing in myself and sticking to my process after a long break,” ani Williams.
Ang kanyang huling panalo ay noong Agosto 2023 sa Cincinnati Open kontra kay Veronika Kudermetova ng Russia. Mula 2019, 37 na lang ang kanyang nalarong matches, at pito lang ang kanyang naiuwing panalo.
Bagamat bihira na siyang makita sa full season, nananatiling isa sa pinakamatatag at respetadong pangalan sa tennis, at ang kanyang pagbabalik ngayong linggo ay mahalagang sandali para sa buong tennis community.