Nilinaw ng Department of Science and Technology (DOST) na non-COVID patients ang gagamitan ng mga bakunang isasailalim sa clinical trials bilang posibleng lunas sa novel coronavirus disease sa bansa.
“Technically, what we want for trials here ay healthy, zero negative, walang COVID at walang antibody. ‘Yun ang ating uunahin,” ani Dr. Nina Gloriani, chairperson ng DOST vaccine expert panel.
Ayon sa eksperto, iba ang analysis kapag ihinalo sa trials ang mga indibidwal na may antibody na ng sakit. Sa China raw kasi, magkasamang isinailalim sa clinical trial ng bakuna ang mga taong hindi infected ng COVID-19, at yung nagkasakit.
Ang pagpili raw sa mga taong isasailalim sa clinical trial ay naka-depende sa disenyo ng bakuna. Sinabi ni Dr. Jaime Montoya, executive director ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), na may criteria na dapat sundin sa nasabing proseso.
“Ang pagkukuha ng mga lalahok sa pagsusuri ay base sa isang set of selection criteria. Ito yung mga panuntunan kung ano yung mga kailangang characteristic ng mga tao na sasali sa clinical trial at ito ay base sa protocol na dini-develop ng vaccine developer.”
Ilan sa dapat na nakasaad sa protocol ng vaccine developers ay ang target na age group, sektor o komunidad. Mahalagang punto rin umanong kasali rito ang random na pagbibigay ng bakuna para sa trial.
“Ibig sabihin lahat ng sasali ay may equal chances na magkaroon ng pagkakataon na sumali. Para lahat ng kategorya, lahat ng klase ng tao ay masasama hangga’t maaari doon sa clinical trial.”
Kaakibat nang pagsali sa clinical trial ang informed consent o pagpapaliwanag sa tao nang benepisyo at epekto ng gagamiting bakuna.
Ayon kay Dr. Lulu Bravo ng Philippine Foundation for Vaccination, isa ang estado sa mga suki na paggawan ng clinical trials dahil sa magandang record nang pagpapaliwanag ng bakuna sa mga volunteer patients.
“Hindi tayo yung kagaya nung panahon ni Hitler na basta ka na lang kukuha tapos gagawin mo yung gusto mong mangyari. We spend time trying to inform all our subjects kung ano ang mangyayari sa kanila from beginning to end.”
“Marami na kaming nakita na trials at trialists (pero) wala pa ni isa na nagkaroon ng problema, issue tungkol diyan sa ginawang trial na subject. Wala pa kaming subject na nagkaroon ng problema, lahat sila ay maganda ang naging resulta,” dagdag ni Dr. Bravo.
Ang mga sasali sa trials ay makakatanggap din umano ng compensation at allowance sa transportasyon, pero paglilinaw ng mga opisyal, hindi kalakihan ang halaga na ‘yan dahil hindi naman ito ang layunin ng trials.
Ayon kay Dr. Montoya, kadalasang ginagawa ang trial sa mga tinatawag na “high prevalence areas” o mga lugar kung saan may mataas na transmission ng sakit.
“Dahil kailangan malaman natin kung ang isang tao ay na-expose o nagkaroon ng pagkakataon na maharap sa isang nakakahawang virus, siya ay hindi magkakasakit dahil siya ay binigyan ng bakuna.”
Tiniyak naman ng mga opisyal na may kakambal na safety guidelines ang vaccine trials sakaling may hindi magandang epekto sa taong ginamitan ang bakuna.