Nagpasa na rin ang US Senate ng gun control bill – ang pinakamahalagang batas may kaugnayan sa armas sa halos 30 taon.
Labinlimang Republicans ang sumali sa mga Democrats sa upper chamber ng Congress upang aprubahan ang panukala sa pamamagitan ng 65 votes hanggang 33 votes.
Kasunod ito ng mass shootings noong nakaraang buwan sa isang supermarket sa Buffalo, New York, at isang primary school sa Uvalde, Texas, na ikinasawi ng 31 katao.
Ang panukalang batas ay kailangan na ngayong maipasa sa House of Representatives bago ito mapirmahan ni US President Joe Biden bilang batas.
Nangako naman si Speaker Nancy Pelosi na bibilisan ang pagdala ng panukalang batas sa Kamara, sa kabila ng paghimok ng pinuno ng Republicans na si Kevin McCarthy sa kanyang mga miyembro na bumoto laban sa panukalang batas.
Napag-alaman na kasama sa mga reporma ang mas mahihigpit na pagsusuri sa background para sa mga customers na nag-edad ng 21-anyos pababa at $15bn (£12.2bn) na federal funding para sa mga mental health programs at school security upgrades.
Nanawagan din ito ng pagpopondo upang hikayatin ang mga estado na magpatupad ng “red flag” laws upang alisan ng mga baril ang mga taong itinuturing na banta.