Binigyan ni United States President Donald Trump ng deadline si Ukraine President Volodymyr Zelenskyy hanggang Nobyembre 27 o Thanksgiving Day sa Amerika, para tanggapin ang kontrobersyal na 28-point peace plan.
Nilinaw ni Trump na hindi ito ang “final offer” o huling alok niya at inaasahan niyang matatapos na ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Nagpahayag ng pag-aalala ang mga lider mula sa Europa, Canada, at Japan hinggil sa isinusulong na 28-point peace plan ng US lalo na ang umanoy pagbabago ng teritoryo o hangganan, at limitasyon sa bilang ng sandatahang lakas ng Ukraine, kahit na ang nasabing plano ay mayroong mga elemento na “mahalaga para sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.”
Nakatakdang magpupulong ang mga opisyal ng seguridad mula sa Britain, France, Germany, US, at Ukraine sa Geneva, Switzerland ngayong Linggo upang talakayin ang nasabing usapin.
Nagbigay naman ng pahayag si Zelenskyy sa kanyang social media account na kailangan ang kapayapaan, at pinahahalagahan nila ang mga pagsisikap ni Trump at ng kanyang grupo na layuning ibalik ang seguridad sa Europa.
Sinabi naman ng mga opisyal ng US sa kanilang kaalyado sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) na inaasahan nilang sasang-ayon si President Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine sa kasunduan sa mga darating na araw at may kaakibat na babala na haharapin ng Kyiv ang mas malalang sitwasyon kapag tumanggi ito.















