Inanunsyo ni United States President Donald Trump na matagumpay nilang naikasa ang kanilang pagatake sa mga nuclear sites sa Iran partikular na mismong malaking nuclear program ng naturang bansa sa Fordow.
Sa kaniyang naging social media post, kinumpirma ni Trump na maliban sa kanilang pagbomba sa mga nuclear sites sa Fordow, Netanz at Esfahan, ay pabalik na rin sa Estados Unidos ang kanilang mga sasakyang pamhimpapawid na ginamit sa pagbomba sa mga naturang sites.
Ayon sa mga ulat, anim na bunker buster bombs ang ginamit para mabomba ang Fordow habang 30 Tomahawk missiles naman ang ginamit sa dalawa pang mga nuclear sites na pinasabog ng US.
Matapos ang ikinasang operasyon, kinumpirma mismo ng White House na nagkaroon muna ng paguusap sa pagitan ni Trump at ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu para sa full coordination nito.
Samantala, sa bahagi pa ng pahayag ni Trump, hinihimok niya ang Iran na pumayag nang tapusin ang tumitinding sigalot sa pagitan ng kanilang bansa at maging ng Israel.
Inaasahan naman ngayon ng gobyerno ng US na titigil na ang tensyon sa pagitan ng dalawang mga bansa at magbibigay daan na ito sa kapayapaan.