-- Advertisements --

Nilinaw ni US State Secretary Marco Rubio na hindi nito pamamahalaan ang araw-araw na operasyon ng Venezuelan government, sa kabila ng pagtatalaga ni US Pres. Donald Trump ng ilang US official upang mamahala sa naturang bansa.

Ayon kay Rubio, nais lamang ng US na mahigpit na ipatupad ang kasalukuyang ‘oil quarantine’ sa naturang bansa.

Paliwanag ng kalihim, pangungunahan ng US ang masusing pagpapatupad sa umiiral na oil quarantine laban sa mga tanker na dati nang napatawan ng sanction bago pa man naaresto si Venezuelan President Nicolas Maduro.

Nais ng naturang bansa na gamitin ito bilang ‘leverage’ upang itulak ang ilang pagbabago sa mga patakaran o policy change sa Venezuela.

Kung babalikan ang naunang pahayag ni Trump, nakasaad dito na pansamantalang pamamahalaan ng US ang Venezuela, ang bansa na kinikilalang may pinakamataas na oil reserve sa buong mundo.

Kasunod ng pagkaka-aresto sa Venezuelan president, inanunsyo na rin ni Trump na papayagan na ang mga malalaking kumpaniya ng langis mula US na pumasok sa naturang pansa upang simulan ang pagkuha sa malalaking reserba ng krudo na naroon.

Una na ring itinalaga ng Supreme Court ng Venezuela si VP Delcy Rodriguez bilang acting president kasunod ng pagkaka-aresto ni Maduro.