Ipinahayag ni U.S. President Donald Trump na nais na ng Estados Unidos na kontrolin ang Strait of Hormuz, kung saan dumaraan ang halos 20% ng langis sa buong mundo.
Sa panayam nitong Lunes (araw sa Amerika), sinabi ni Trump na posibleng pamahalaan ng U.S. ang naturang daanan at gampanan ang papel nito bilang tagapangalaga.
“We are going to keep the Strait. We will probably run it,” pahayag ni Trump. Dagdag pa niya, maaaring tawagin ang U.S. bilang “guardian angel” ng Strait of Hormuz.
Ayon kay Trump, nais din ng kanyang administrasyon na mabayaran sila ng ibang mga bansa para sa ginagastos ng Estados Unidos sa pagbabantay at pag-secure sa Strait of Hormuz.
Kasunod nito, inihayag ng pangulo na ibinabalik ng U.S. ang naval blockade laban sa Iran at magpapataw umano sila ng 20% na toll fee sa mga kargamentong dadaan sa Strait of Hormuz upang tustusan ang mga gastusing kinakailangan para mapanatili ang seguridad sa rehiyon.
Ginawa ni Trump ang pahayag bunsod ng muling pag-taas ng tensyon sa pagitan ng U.S. at Iran, matapos magpalitan muli ng air-strikes noong Linggo.
Dahil dito, tumaas ng mahigit 3% ang Brent crude sa halos $80 kada bariles mula sa $71.99 noong nakaraang linggo.
Bagama’t mas mababa pa rin ito kumpara sa pinakamataas na presyong naitala noong Abril na umabot ng $126 kada bariles.
Apektado rin ang ilang stock market sa Europa at Asya, habang bahagyang humina ang U.S. stock futures dahil sa digmaan sa rehiyon.
















