Inihayag ni U.S. Secretary of State Marco Rubio na magpapatupad ang Estados Unidos ng visa ban laban sa mga dayuhang opisyal na umano’y sangkot sa pagsupil sa kalayaan sa pagpapahayag ng mga Amerikano, lalo na sa internet.
Bagamat walang pinangalanang bansa o indibidwal, sinabi ni Rubio na layon ng bagong polisiya na pigilan ang mga banyagang opisyal sa pagdikta ng content moderation sa mga U.S.-based tech platforms tulad ng Meta. Aniya, hindi katanggap-tanggap ang pagbabanta ng mga dayuhan ng pag-aresto batay sa mga social media post na nagmula sa loob ng Amerika.
Ang hakbang ay kasabay ng umiigting na tensyon sa pagitan ng U.S. at European Union, partikular sa pagpapatupad ng EU Digital Services Act — isang batas na tinutuligsa ng mga U.S. opisyal bilang anyo ng censorship.
Ayon sa mga opisyal ng U.S., ang bagong patakaran ay bahagi anila ng malawakang hakbang para ipaglaban ang kalayaan sa pagpapahayag sa harap ng lumalawak na regulasyon sa ibang bansa.
Kasalukuyang kinakausap din ng mga kinatawan mula sa U.S. State Department ang mga pamahalaan ng France at Ireland ukol sa isyu.