-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Naitala sa City of Ilagan ang kauna-unahang kaso ng mortality o pagkasawi ng isang pasyente sanhi ng COVID 19.

Kinumpirma ng Department of Health Regional Office 2 na ang naturang nasawing pasyente na residente ng Ilagan City ay ang ikatlong nasawi dahil sa COVID 19 sa region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Inter-Agency Task Force Focal Person Ricky Laggui nilinaw niya na nasawi si CV242, isang 43 anyos na Locally Stranded Individual (LSI) na galing sa Maynila at umuwi sa Isabela noong July 22, 2020 sanhi ng kanyang matagal na umanong iniindang pancreatic cancer.

Ayon pa sa tagapagsalita ng CIATF, dinala sa pagamutan partikular na sa Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital ang pasyente noong July 23, 2020 matapos nitong makaranas ng hirap sa paghinga at agad siyang isinailalim sa swab test ng pamunuan ng pagamutan.

Positibo sa sakit na COVID 19 ang resulta ng ginawang pagsusuri sa pasyente matapos itong bawian ng buhay.

Ayon kay Focal Person Laggui, bago pa man sumailalim ang pasyente sa strict home quarantine ay nagsagawa na ang lokal na pamahalaan ng rapid test sa pasyente at nagnegatibo naman ito batay sa lumabas na resulta ng naturang pagsusuri.

Magsasagawa ng contact tracing ang City Inter Agency Task Force para sa mga immediate contact o direktang nakasalamuha ng naturang pasyente.

Ayon pa kay Focal Person Laggui, limitado ang naging pakikisalamuha ng pasyente kayat madali lamang ang pagtukoy sa mga ito.

Sasailalim din sa panibagong mga pagsusuri ang mga nakasama ng pasyente sa kanilang tahanan matapos na magnegatibo ang mga ito sa rapid test.

Posible ding magsagawa ng contact tracing sa barangay ang lokal na pamahalaan sa oras na mapatunayan na may infection sa mga nakasalamuha ng pasyente.

Sa ngayon ay nakipag-ugnayan nadin ang CIATF sa pamunuan ng Barangay para sa abiso sa paglilimita sa paglabas ng mga residente sa lugar para maiwasan na kapitan ng anumang virus.