Walang naitalang mga “untoward incidents” ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa unang araw ng Simbang Gabi na nagsimula kaninang madaling araw.
Ayon kay NCRPO spokesperson Lt. Col. Jenny Tecson, mahigpit ang direktiba ni NCRPO chief M/Gen. Vicente Danao Jr., sa mga district directors na tiyakin na may sapat na seguridad sa mga simbahan sa kani-kanilang areas of responsibility.
Sinabi ni Tecson, “generally peaceful” ang unang araw ng Misa de Gallo sa Kamaynilaan at walang mga insidenteng naitala.
Base sa monitoring ng NCRPO, nasa mahigit 61,000 crowd ang nagsidalo sa tinatayang 313 simbahan.
Humigit-kumulang 3,000 pulis naman ang pinakalat ng NCRPO katuwang ang mahigit 11,000 force multipliers, para mapanatili ang kaayusan at para mapatupad ang minimum health protocols lalo na ang pagsusuot ng face mask at social distancing.
Paalala ni Danao sa mga makikiisa sa Simbang Gabi, dapat naka-padlock ng maayos ang mga bahay, mga pintuan, bintana at gate.
Huwag iwanang nakabukas ang mga ilaw lalo na ang mga Christmas light para makaiwas na pagmulan ng sunog maliban na lamang kung may mga kasama sa bahay na papatay sa mga ito. Ganito rin ang paalala nito sa mga gumagamit ng kandila na huwag iwanan na nakasindi.
Iwasan din aniya hangga’t maaari na magsuot ng mga bagay gaya ng mga mamahaling alahas na takaw tingin sa mga kawatan, at magdala lang ng tamang budget ayon sa pangangailangan.
Ang mga cellphone ay mas mabunting itago kaysa gamitin habang naglalakad o sa matataong lugar.