Ipinagmalaki ngayong ng Department of Education (DepEd) ang resulta ng isigawa nilang final dry run ng kanilang broadcast media learning modality para sa papalapit na pagbubukas ng klase sa Oktubre 4.
Ayon kay DepEd Dir. Abram Abanil, ang 26 episodes ay ieere simula ngayong araw hanggang sa Setyembre 5 na ngayong Lunes sa iba’t ibang channel bilang rehearsal sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Sinabi ni Abanil na ang ilang lessons ay na-ere na sa ilang partner channels kaninang alas-7:30 ng umagal para sa Alternative Learning System (ALS) pagkatapos ay mayroon naman itong transition para sa grade school dakong alas-8:25.
Para naman sa senior high school, isinagawa ito dakong alas-4:45 ng hapon.
Dagdag ni Abanil, ang professional development lectures naman para sa mga guro at orientation para sa mga magulang ay ieere dakong alas-6:15.
Noong Agosto nang inulan ng batikos ang DepEd TV dahil sa mga mali-maling grammar sa isinagawang dry run.
Pero tiniyak ni Abanil na hindi na ito mauulit lalo na’t bumuo na ang mga ito ng 18-step workflow process para maiwasan ang kaparehong insidente.
Kabilang sa naturang proseso ang masusing pag-review ng mga subject experts ang mga modules at scripts.
Para naman sa October 5 class opening, sinabi nila na target ng DepEd na maere ang 130 episodes kada linggo at kasama na rito ang major subject areas sa mga essential learning competencies.
Ang isang episode ay tatagal ng 30 minutes at mayroong 5 minutes break.
Target naman ng DepEd na magkaroon ng 160 timeslots kada TV channel.
Narito naman ang mga sumusunod na partners para gamitin ang kanilang channels para sa DepEd TV:
- IBC 13 – 1 over the air TV channel
- PTV 4 – 4 hours over the air TV channel
- Solar TV – 1 digital channel
- Planet Cable – 1 cable channel
- Philippine Cable and Telecommunications Association – 1 to 3 cable channels
- Cignal TV – 2 satellite TV channel
- GSAT – 1 satellite TV channel
- Gracia/LMP – 1 satellite TV channel
- Mabuhay Pilipinas TV – 13 satellite TV channels