Ipinahayag ni United Nations director Rafael Grossi ng International Atomic Energy Agency (IAEA), na maaari pa umanong makapagsimula ang Iran ng paggawa ng enriched uranium sa loob ng ilang buwan, sa kabila ng pambobomba ng Estados Unidos at Israel sa ilang nuclear facilities ng bansa.
Matatandaang noong Hunyo 13, inilunsad ng Israel ang mga bomba nito sa mga nuclear at military facilities ng Iran, na may layuning pigilan ang paggawa nito ng nuclear weapon, na una nang itinatanggi ng Iran.
Sinundan ito ng mga airstrikes ng Amerika kung saan ginamit ng bansa ang kanilang hytech na bombers equipment.
Bagamat inamin ng mga opisyal ng Iran na may mga seryosong pinsalang naidulot ang pambobomba, hindi pa tiyak ang eksaktong kalagayan ng mga pasilidad. Ayon kay Grossi, bagamat may mga nasirang pasilidad, patuloy na may kakayahan ang Iran na magsimula ng uranium enrichment sa lalong madaling panahon.
Isa pang isyu ang kalagayan ng stockpile ng Iran na highly enriched uranium, na mayroong 60%, ibig-sabihin mas mataas ang antas ngunit hindi pa weapons-grade na ayon sa mga siyentipiko tinatayang sapat na ito upang gumawa ng higit sa siyam na nuclear bombs ang Iran.
Sa ngayon, tumanggi ang Iran na payagan ang IAEA na inspeksyunin ang mga nasirang pasilidad, at ipinag-utos ng mga mambabatas sa Iran na suspindihin ang kooperasyon sa IAEA.