-- Advertisements --

Kinumpirma ng International Atomic Energy Agency na walang malawakang radiation sa Iran at karatig-bansa, kasunod ng pambobomba ng US sa tatlong nuclear facilities ng naturang bansa.

Nakasaad din sa inilabas na report ng Gulf Cooperation Council at Iranian Red Crescent na walang ‘abnormal radiation’ sa buong rehiyon, sa kabila ng nangyaring pambobomba.

Maalalang tinawag ng US na matagumpay ang ginawang pambobomba sa mga nuclear facilities sa Fordow, Natanz, at Isfahan, gamit ang B-2 stealth bombers at submarine-launched Tomahawk missiles.

Sa Fordow facility, ibinagsak ng US ang ilang 30,000-pound ‘bunker buster’ bombs. Ang mga ito ay may kakayahang pasukin ang mga underground bunker at pasabugin ang anumang pasilidad na nasa ilalim ng lupa.

Hindi ito kahalintulad ng iba pang bombo na gumagawa ng malawakang pagsabog na nagdudulot ng maraming casualties kungdi tanging ang target area lamang ang pangunahing apektado, oras na sumabog.

Sa Natanz at Isfahan, gumamit dito ang IS ng Tomahawk cruise missile na may kakayahang pasabugin ang anumang istraktura na nasa ilalim ng naturang pasilidad. Ang mga naturang missile ay kilala sa ‘precision strikes’ at nagagawang sirain ang mga pasilidad sa loob lamang ng ilang sandali.

Sa naging serye ng operasyon ng US, gumamit ito ng B-2 Spirit Stealth Bomber. Ang B-2 ay isang strategic long-range bomber na may kakayahang magdala ng mga kargamentong aabot sa 40,000 lbs.

Nagagawa nitong lumipad sa loob ng 11,000 kms nang hindi sumasailalim sa refuelling, habang naabot nito ang 18,000 kms kung dadaan sa midair refuel.

Kaya nitong lumipad sa layong 50,000 feet sa himpapawid.

Gumamit din ang US ng submarine mula sa US Navy na silang nagpalipad ng mga Tomahawk missile na tumama sa dalawang pasilidad. Ang Submarine-Launched Tomahawk Missile ay isang subsonic at nagagawang lumipad sa layong 880 kph.