Tiniyak ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na iimbestigahan ang insidente na kinasangkutan ng mataas na opisyal ng Manila Police District at ng TV reporter sa kasagsagan ng traslacion kahapon, Enero 9.
Ito’y matapos bigla na lamang umanong hinablot ng isang heneral ang cellphone ng TV reporter habang kinukunan ng video ang komprontasyon sa deboto.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson B/Gen. Bernard Banac, may ginagawa ng hakbang ang NCRPO ukol dito at hinihintay na lamang nila ang ilalabas na pahayag.
Una rito, mismong si NCRPO chief B/Gen Debold Sinas ang nagsabi na iimbestigahan nila ang iba pang insidente kabilang ang pagkasugat ng ilang deboto dahil sa ipinatupad na bagong security measure sa traslacion.
Sinabi ni Sinas, bukas din ang PNP sa mga reklamo ng mga nasugatang deboto pero may mga impormasyon din na may ilang pulis ang nasaktan.
Nagpasalamat naman si Sinas sa lahat ng nakipagtulungan sa bagong latag ng seguridad para mapabilis ang pagdala ng Poong Itim na Nazareno sa sa Quiapo Church.