Naghain ng panukala si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. para maimbestigahan ng Senado ang aniya’y mga pagkukulang kaya nangyari ang ilang problema sa pagpapauwi ng overseas Filipino workers (OFWs) ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Batay sa Senate Resolution No. 448 ni Revilla, nakita sa hakbang ng ilang ahensya ng gobyerno ang kabagalan sa pagtugon sa naturang problema.

“There is a pressing need to accelerate and expedite the repatriation process and maximize all available resources and systems to bring home all the stranded OFWs abroad,” wika ni Revilla.

Matatandaang marami ang ibig umuwi sa kanilang mga pamilya ngunit naantala ang pagsundo mula sa ibayong dagat.

Habang may mga OFW naman na natengga sa Metro Manila at napilitang matulog sa kalsada dahil sa kakulangan ng koordinasyon kung kailan sila makakaalis.

Kabilang sa mungkahi ni Revilla na humawak ng hearing ang Senate committee on labor at maging ang foreign relations.