-- Advertisements --

DAVAO CITY – Galit na sumugod ang mga investors ng investment scam na Rigen Marketing sa isang establisyemento sa Seminary Drive sa Tagum City na sinasabing hideout ng mga opisyal sa nasabing kompanya.

Napag-alaman na nakita ng mga investors ang sasakyan na pagmamay-ari umano ng Chief Executive Officer ng Rigen marketing at iba pang mga gamit ng kompaniya kaya kanila itong pinuntahan.

Kaagad namang pumagitna ang mga tauhan ng militar at kapulisan matapos sinubukan ng mga investors na pasukin ang nasabing establisyemento.

Napag-alaman na daan-daang investors ang dismayado at gusto na lamang bawiin ang kanilang kapital na in-invest sa kompanya dahil bigo pa rin ang Rigen sa kanilang pangako na magsagawa ng “massive pay-out” nitong Hulyo 9.

Nag-post naman ng mensahe ang Rigen sa kanilang Facebook page kung saan sinabi nito na maaantala ang pagbibigay nila ng insentibo dahil magsasagawa pa umano sila ng imbestigasyon na kinasasangkutan ng mga dating namuno ng kompanya.

Naniniwala naman ang mga investors na palusot lamang ito ng kompanya para makatakas at hindi makapagbigay ng pay-out.

Ngunit nangako raw ang kompanya na ibabalik na lamang nila ang kapital ng mga investors na magsisimula sa Agosto 15 tuwing ng Lunes at Huwebes.