-- Advertisements --

Ramdam na sa ilang bahagi ng bansa ang mga pag-ulang dala ng cloud extension mula sa isang low pressure area (LPA).

Partikular na makakaranas ng ulan ngayong araw ang Bicol Region, Eastern Visayas, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Quezon at Dinagat Islands.

Maging ang malaking parte ng CALABARZON, MIMAROPA, Visayas at Mindanao ay may aasahan ding mahinang pag-ulan sa araw na ito.

Huling namataan ang LPA sa layong 465 km sa silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 440 km sa silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Sa pagtaya ng Pagasa, maaari itong maging bagyo sa loob ng susunod na 48 oras.

Bibigyan ito ng local name na “Tonyo,” sa oras na umabot ang taglay na lakas ng hangin sa 45 kph.

Kung magpapatuloy sa ipinakikitang development, maaapektuhan nito ang ilang lugar na dati nang nasalanta ng supertyphoon Rolly.

Samantala, unti-unti nang pumapasok ang malamig na hanging amihan sa ating bansa.

Babala ng Pagasa, kapag nagsabay ang amihan at La Nina, maaaring magkaroon ng mas maraming insidente ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Mas malaki rin ang tyansang mag-landfall ang mga bagyo sa ating bansa, dahil sa pagtulak ng northeast monsoon na nagmumula sa Siberia at China.

Gayunman, nakakatulong ang amihan para mapahina ang mga bagyo bago pa man tumama sa ating bansa.