-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang natagpuang bangkay ng dalawang turista sa loob ng isang hotel room sa Barangay Balabag sa Boracay.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Kalibo, kinilala ng Boracay-Philippine National Police ang mga biktima na sina Dennis Yu, isang Filipino, 44, na residente ng probinsya ng Rizal; at si Maria Cecilia Jellicode, 44, Australian national at residente ng Metro Manila.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagbabakasyon ang dalawa kung saan mismong hotel staff ang nakadiskubre sa bangkay ng mga ito matapos na mapansin na hindi na sila nakakalabas sa inuupahang silid.

Kaagad namang isinailalim sa antigen test ang mga bakasyunista na isinagawa ng Municipal Health Office ng bayan ng Malay.

Hindi pa umano sa ngayon matukoy ng pulisya ang naging sanhi ng pagkasawi ng dalawang biktima.