-- Advertisements --

Sinibak ni US President Donald Trump ang isang senior official na siyang nagsabi sa Kongreso tungkol sa whistleblower complaine na nauwi sa impeachment sa lider ng Amerika.

Ayon kay Trump, nawalan na raw ito ng kumpiyansa kay Michael Atkinson, inspector general ng Intelligence Community.

Inabisuhan na rin ni Trump ang Kongreso na tatanggalin na sa kanyang puwesto si Atkinson sa loob ng 30 araw.

“It is vital that I have the fullest confidence in the appointees serving as inspectors general,” wika ni Trump. “This is no longer the case with regard to this inspector general.”

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pangalan si Trump sa kung sino ang kanyang ipapalit kay Atkinson.

Umani naman ng pagbatikos mula sa hanay ng mga Democrats ang naturang hakbang ni Trump.

Sinabi ng mga Democrats, inuuna pa raw ni Trump ang paghihiganti sa gitna ng national emergency dahil sa coronavirus.

Inaakusahan din ng mga ito si Trump na mistulang minamaliit ang intelligence community.

Noong nakaraang taon, sinabihan ni Atkinson ang Kamara tungkol sa paratang na inabuso umano ni Trump ang kanyang kapangyarihan makaraang i-pressure nito ang Ukraine na imbestigahan sina Democratic presidential candidate Joe Biden at anak nito.

Sa kanyang mga liham sa US House, inilarawan ni Atkinson ang complaint bilang “urgent” at “credible”.

Na-impeach si Trump sa US House na kontrolado ng mga Democrats, ngunit naabswelto naman ito sa Senado na hawak ng mga Republicans. (BBC)