Sinibak ni U.S. President Donald Trump sa puwesto ang Attorney General nito na si Pam Bondi, ayon sa isang opisyal ng White House nitong Huwebes (araw sa Amerika), kasunod ng lumalaking pagkadismaya sa kanyang performance lalo na sa paghawak ng mga kaso kaugnay ng yumaong financier at sex offender na si Jeffrey Epstein.
Ayon sa ulat, nadismaya rin si Trump dahil umano’y mabagal si Bondi sa pagsasampa ng kaso laban sa mga kritiko at kalaban nito.
Sa isang post sa social media, pinuri ni Trump si Bondi bilang isang “Great American Patriot and a loyal friend” at sinabing lilipat ito sa pribadong sektor.
Itinalaga naman niya si Deputy Attorney General Todd Blanche, na dati niyang personal na abogado, bilang pansamantalang mamumuno sa U.S. Department of Justice (DOJ).
Sa kanyang panunungkulan, naging matapang na tagapagtanggol si Bondi sa administrasyon ngunit umani rin ng batikos dahil umano sa paglabag sa tradisyon nang pagiging malaya ng DOJ mula sa impluwensya ng White House, at ang pag-tanggal sa ilang career prosecutors na sangkot sa mga imbestigasyong hindi pumapabor kay Trump.
Gayunpaman, naging sentro ng kontrobersiya ang kanyang paghawak sa Epstein files. Inakusahan siya ng ilang kaalyado ni Trump at mga mambabatas na umano’y hindi maayos ang paglabas ng mga record kaugnay sa sex trafficking investigation laban kay Epstein.
Nagbigay rin ito ng political pressure kay Trump at muling nagbukas ng usapin tungkol sa dati niyang ugnayan kay Epstein, na ayon sa kanya ay matagal na niyang tinapos.
Posibleng magdulot ang pagtanggal kay Bondi ng malaking pagbabago sa estratehiya ng U.S. Justice Department, kabilang ang posibleng mas agresibong paggamit ng legal system laban sa mga kritiko ni Trump.
Si Bondi ang ikalawang mataas na opisyal na tinanggal kamakailan ni Trump, matapos alisin si Kristi Noem bilang Homeland Security Secretary noong Marso 5 dahil sa natanggap na batikos sa kanyang naging pamamahala.
Sa kabila ng kanyang depensa na naging mas transparent ang administrasyon sa paglalabas ng Epstein files, hindi pa rin natuldukan ang kontrobersiya. Umabot pa ito sa pagpasa ng isang bipartisan law na nag-aatas sa DOJ na ilabas ang halos lahat ng dokumentong may kaugnay sa kaso ni Epstein.
Nakatakdang humarap si Bondi sa pagdinig ng House Oversight Committee sa Abril 14, 2026 matapos siyang ipatawag ng mga mambabatas upang magpaliwanag hinggil sa isyu.
















