Nagbanta si US President Donald Trump na bobombahin ang Oman dahil hindi siya natutuwa sa pakikipag-kasundo ng bansa sa Iran kaugnay ng pamamahala sa Strait of Hormuz.
Ayon sa regional officials, na hindi pinangalanan, ipinaabot ng Trump administration ang pagtutol nito sa Oman sa ilang bahagi ng kasunduan na nakatakda pa lamang ianunsiyo kabilang ang sanib-pwersang pamamahala ng Iran at Oman sa ruta palabas ng Strait, na kritikal para sa pandaigdigang suplay ng langis at natural gas.
Naniniwala ang gobyerno ni Trump na masyadong mabait o malambot ang Oman sa pakikitungo sa Iran. Hindi rin nagustuhan ng Amerika ang balak ng Oman na mangolekta ng boluntaryong bayad o fees mula sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz, kahit para pa ito sa kaligtasan.
Ginawa ni Trump ang pagbabanta sa Oman sa gitna ng pakikipagtulungan nito sa Iran para mabuksan ang Strait at bigyang daan ang pagpapatuloy ng mga negosasyon sa pagitan ng US at Iran para mawaksan na ang giyera.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na binantaan ni Trump ang Oman. Noong Mayo, sinabi ni Trump sa isang cabinet meeting na kailangang mag-behave o magpakatino ng Oman tulad ng iba dahil kung hindi ay mapipilitan ang US na “pasabugin” ito.
Nitong Martes naman, idineklara ni Trump sa social media ang Strait of Hormuz bilang teritoryo ng Amerika, isang bagay na tinawag naman ng Iran na isang “delusyon”.
















