Kinumpirma ni U.S. President Donald Trump na wala siyang alam sa umano’y regular na paggamit ng droga ng tech billionaire na si Elon Musk noong 2024 presidential elections.
Tugon ito ni Trump sa ulat ng New York Times na nagsasabing si Musk ay gumamit umano ng ketamine, ecstasy, at psychedelic mushrooms habang nakikipagtulungan noong tumatakbong Presidente si Trump.
Ayon sa ulat, hindi malinaw kung gumagamit si Musk ng droga habang may potensyal na papel sa panukalang Department of Government Efficiency (DOGE) ni Trump.
Pagbalik mula sa rally sa Pennsylvania, sinabi ni Trump sa mga mamamahayag na, “I’m not troubled by anything with Elon,” at inilarawan pa si Musk bilang isang “fantastic” na indibidwal.
Tumanggi naman si Trump na magbigay ng karagdagang komento hinggil sa nasabing ulat.
Una rito sa isang Oval Office event, tinangka rin ng isang reporter na tanungin si Musk tungkol sa nasabing isyu, ngunit umiwas na ito at pinuna na lamang ang New York Times sa diumano’y biased nitong coverage noong 2016 Russian election interference.
Maaalalang noong Marso 2024, inamin ni Musk na gumagamit siya ng prescribed ketamine para sa kanyang depresyon. Nauna nang nagdulot ng kontrobersya si Musk noong 2018 matapos manigarilyo ng marijuana sa isang podcast event.
Inilahad pa ng NYT na si Musk ay nagdadala umano ng pillbox na may lamang 20 gamot kabilang ang Adderall, stimulants, at psychedelics at sabay-sabay din umano niyang ginagamit ang mga ito.