Naghain muli ng panibagong mga kaso ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan laban kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Sa opisyal na pahayag ng tanodbayan, kinumpirma nito ang pagkakasampa ng mga kaso laban sa mambabatas kasama pati ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Batay sa impormasyon, kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents ang inihain ng Ombudsman sa korte ng Sandiganbayan.
Kasunod ang pagsasampa ng mga kaso laban sa dating mambabatas at iba pa matapos matukoy ng tanodbayan na mayroon ‘probable cause’ para sila’y kasuhan.
Nag-ugat ang mga kaso sa alegasyon pagkakasangkot ng mga ito sa maanomalyang 77-milyon piso halaga ng flood control project sa Balagtas, Bulacan.
Bagama’t una nang napabilang sa mga pangalan kakasuhan si dating Public Works Engineer Henry Alcantara, siya’y hindi na sinampahan ng kaso sapagkat nasa ilalim na ng Witness Protection Program.














