-- Advertisements --

Ipinahiwatig ni US President Donald Trump na ikokonsidera niyang payagan si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na ipagpatuloy ang military action sa Gaza sakaling hindi tutuparin ng Hamas ang pangako nito sa ceasefire agreement.

Ayon sa US President, maaaring bumalik ang Israeli forces sa Gaza sa sandaling sabihin niya ito.

Ginawa ng US President ang pahayag matapos akusahan ng Israel ang Hamas ng hindi pagsunod sa kasunduan na pagbabalik sa mga bihag, buhay man o patay, bilang parte ng kasunduan para waksan na ang giyera sa Gaza.

Base sa datos nitong umaga ng Miyerkules, naibalik na ng Hamas ang lahat ng 20 buhay na Israeli hostages subalit, siyam pa lamang mula sa 28 mga bihag na binawian ng buhay ang naisauli ng Hamas.

Ibig sabihin, mayroon pang 19 na labi ang unaccounted.

Ipinaliwanag naman ng Hamas na naibalik na nila ang lahat ng mga labi ng mga bihag na kaya nilang ma-access habang ang ibang mga bangkay ay kakailanganin umano ng specialist equipment para mahanap at marekober.