-- Advertisements --

Humarap sa kanyang mga tagasuporta si US President Donald Trump sa kauna-unahan nitong public appearance mula nang maospital makaraang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Tinanggal ni Trump ang kanyang suot na face mask nang magsimula itong magsalita sa daan-daan nitong mga supporters sa isang balkonahe sa White House nitong Sabado ng hapon (Linggo sa Pilipinas).

Ayon kay Trump, maganda na raw ang kanyang pakiramdam matapos makalabas ng ospital.

Sumentro rin ang talumpati ni Trump sa isyu ng “law and order” sa kanilang bansa, pati na rin sa ekonomiya, border wall, at postal voting.

“I’m honored to welcome you. We call this a peaceful protest in the White House in support of the incredible men and women of law enforcement and all of the people that work so well with us,” wika ni Trump.

Bumanat din si Trump sa kanyang karibal sa presidential elections na si Joe Biden, kung saan tinawag nito ang programa ng Democrats bilang “beyond socialism – Communist, that’s about right.”

Ang pagtitipon sa White House ay inorganisa ng foundation na tinatawag na “Blexit,” na naglalayong makuha ang suporta ng mga botanteng Black at Latino para sa Republican Party.

“Every day more Black and Latino Americans are leaving behind left-wing politicians and their failed ideology,” sambit ni Trump.

“They failed for many years and many many decades. Democrats have run nearly every inner city in America. And I mean, for 100 years their policies have delivered nothing but calamity, poverty and trouble.”

Kapansin-pansin naman na habang karamihan sa mga tagasuporta na dumalo ay nakasuot ng face mask, tila hindi naman nasunod ang physical distancing.

Una rito, binatikos ni top US infectious disease expert Dr. Anthony Fauci ang pagtitipon sa White House kamakailan na inilarawan nito bilang isang “super-spreader event.”

Ang tinutukoy ni Fauci ay ang pagpapakilala ni Trump sa kanyang nominee sa Supreme Court, na nagresulta sa 11 katao na kinapitan ng virus, kasama na ang presidente ng Amerika. (BBC/ Al Jazeera)