-- Advertisements --

Inaasahang magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan ang trough o extensions ng Tropical Depression Kiyapo kasabay ang umiiral na Southwest Monsoon o Habagat sa ilang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao ngayong araw ng Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa weather bulletin ng PAGASA ng pasado alas-5:00 ng madaling araw, namataan ang sentro ng Bagyong Kiyapo sa layong 950 kilometro silangan ng Central Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna, na may pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras, at kumikilos pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Itinaas ng state weather bureau ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Batanes, Cagayan, Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, eastern at central portions ng Mountain Province, eastern at central portions ng Ifugao, Ilocos Norte, at ang northern portion ng Ilocos Sur.

Makakaranasan naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Occidental Mindoro, at Palawan.

Ibinabala ng weather bureau ang posibilidad ng flash flood at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa mga nabanggit na lugar.

Samantala, ang Bicol Region, Eastern Visayas, at Romblon ay makararanas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dulot ng trough ng Bagyong Kiyapo. Posible rin ang pagbaha at landslide sa mga lugar na makakaranas ng malalakas na buhos ng ulan.

Habang sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.

Ibayong pag-iingat dahil maaari ring magkaroon ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa panahon ng malalakas na thunderstorm.

Sa forecast track ng PAGASA posibleng lumapit o mag-landfall ang bagyo sa lalawigan ng Cagayan sa pagitan ng araw ng Biyernes, at Sabado, Hulyo 25.