(Update) BUTUAN CITY – Mariing kinondena ng pulisya sa bayan ng Jabonga, lalawigan ng Agusan del Norte ang pagdukot at pagpatay na ginawa umano ng New People’s Army (NPA) sa isang tribal chieftain nitong nakalipas na hatinggabi.

Basi sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Jabonga, nasa kanyang sakahan si Rodito Buklas o tinatawag ding Datu Buklas kasama ang kanyang asawang si Nenit nang dumating ang limang kalalakihan na armado ng matataas na kalibre ng armas at nagpakilalang miyembro ng mga rebelde.

Dito na umano tinangay ang biktima sa hindi malamang direksyon.

Natagpuan na lamang ang bangkay nito na puno ng saksak sa bukiring bahagi ng Amontay, Sitio Tagbuaya, Brgy. Bangonay, sa nasabi ring bayan.

Sa ngayon patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo ng mga suspek sa nasabing krimen.