-- Advertisements --

Posible umanong magsagawa ang grupo ng mga tsuper ng kanilang kilos protesta maging ng transport strike kung tuloy-tuloy na naman ang malakihang dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Piston President Mody Floranda, sinabi nitong hindi na makatwiran ang mga ipinatutupad na lingguhang oil price adjustment dahil ilang buwan naman ang stock ng mga oil players.

Sinabi ni Floranda na wala na raw naiuuwi ang mga tsuper ng jeep sa kanilang pamilya dahil sa mataas na umento sa kada litro ng diesel.

Bukas ay magpapatupad na naman ang mga oil companies ng malakihang umento sa presyo ng petrolyo na papalo sa mahigit P6.

Ayon sa mga energy sources, base sa May 30 hanggang June 3 oil trading ang umento sa kada litro ng diesesl ay papalo sa P6.40 hanggang P6.70.

Tataas din ang presyo ng gasolina na P2.50 hanggang P2.80 kada litro habang sa kerosene naman ay magtataas ng presyo na P5.15 hanggang P5.30 kada litro.

Karaniwang inaanunsiyo ang oil price adjustment sa araw ng Lunes at ipinatutupad sa araw ng Martes.